Huwebes, Agosto 3, 2006

Sagada

may isang barkada
nagpunta sila sa hilaga
bitbit ay kamera
at may ngiti sa mukha

pito ay lalaki
anim ay babae
bumiyahe sila ng alas nwebe
sa espaƱa, byernes ng gabi

natulog sa bus
naghilik at nag-krus
habang naglakbay sa daan
na 'di pa nasisilayan

labing apat na oras
nakaupo hanggang bukas
sa layo ng tinahak
jacket lang ang hawak


unang puntahan
sa Banaue nagpiktyuran
mga hagdan-hagdan palayan
na dati sa aklat lang nalaman

ilang oras pa
bago nakarating ng Sagada
inip na ang bawat isa
gutom at nangangatog pa

pagdating sa Sagada
sa bahay ni kuya george
unang nagpahinga
at iniwan mabibigat na dala

simula noon
mga binti ay di na tumigil
sa iba't ibang dako
sa paglakad, hindi na mapigil

agad pinuntahan
munisipyo ng Sagada
nagparehistro at nagpalista
tsaka kumuha ng kasama

ito lang naman kanilang nakita
sa Echo Valley
may mga nakabitin
kabaong ng mga ninuno natin

rurok ng Kiltepan
at lawak ng kabundukan
na puno ng hinagdang palayan
na animoy kanilang hinagkan

sa maliit na talon
tawag nila dito ay Bokong
maliit ngunit malalim
malamig na tubig, di mailihim

natapos unang gabi
sa pagkain sila'y sawi
sarado na ang ilang resto
kaya sinuyod buong baryo

sa wakas may isang nakita
bakante at wala pang bisita
doon ang bawat isa
silya ang kani-kaniyang kinuha

pagod na pero ayos lang
sulit naman, sarap pa ng ulam
binusog ng kakaibang pagkain
habang giniginaw sa basang suotin

bumalik sa bahay
upang magpahinga
mga pagod ngunit masaya
bukas kasi ay lalarga pa

pagmulat sa umaga
mata'y nakadilat na
'di sanay bumangon
ng sobrang aga (hahaha!)

pero ang susunod sa listahan
lugar na kanilang pupuntahan
kweba ng Sumaging kung tawagin
natatangi talaga, at kay galing

bago narating ang kweba
naglakad muna ng kay haba
pero 'di nila ito alintana
dahil sa paligid na magaganda

kalat na puno ng pine
batong inukit
mga asong kay gwapo
tanawin dun lang namataan

pagpasok sa Sumaging
ang lamig at ang dilim
ang hininga'y naging usok
mga braso, sa kili-kili pilit isinusuksok

sinuong ang buong kweba
napakalawak nito pala
maraming batong kayumanggi
korteng hayop, hugis binti

may parang hinulma
sa hitsura ng pagong
meron naman bato
na masikip at may talon

gininaw sila ng sobra
ngunit naligo pa ang iba
paglabas nila ng kweba
pagod pero maligaya

akala ko tapos na
itong tulang aking ginagawa
ngunit, teka wag muna
layunin nila ay kulang pa

sapagkat sa Lumiang
ang libingan ng mga lumisan
mga katutubo ng Sagada
dito sila ay dumaan pa

pagkatapos mananghalian
sila ay lumisan
nagtungo sa karimlan
sa talon ng Bomod-Ok ang kalalabasan

medyo mahaba ang nilakad
pababa ng bundok
isang oras ang ginugol
habang papalapit dun sa burol

lakad dito, baba doon
tila walang katapusan
pero walang pagod na naramdaman
kasi puro pahinga at retratuhan


napakalaki pala nitong talon
malaki pa sa retrato na kanilang natunton
nagmadali ang mga nauna
habang sabik ang mga natira sa pila

nagalak ang bawat isa
sa naramdamang kakaiba
habang may dalawang batang hubad
sa kanilang harap tumambad

huling pagkakataon
naligo sa malamig na talon
grabe napakalamig nga
akin na ang kamera, kunan kita

malapit na pagtatapos ng kwento
subalit parang ayaw kong sumuko
kasi aakyat pa sila pabalik
dalawang oras nila itong pinilit

kasabay ang mga kwento
ni manong egbert hanggang sa dulo
nalaman mga istorya ng mga katutubo
pero di ko na iisa-isahin ito

pagod ang kanilang buong katawan
pero maluwag naman ang kalooban
sana sa Sagada na lang ako nakatira
para laging malamig ang aking umaga...
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -


"asong kahoy"

"sana ganito rin ang bahay ko"

"ang gwapo ng aso"

"lula"

"talon ng bomod-ok"

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...