Bisikleta
Bawat bata ay sigurado akong naging parte sa paglaki ang pagkahilig sa pagsakay ng bisikleta. Tulad din ito ng mga ordinaryong laro gaya ng piko, holen, taguan, patintero, tumbang preso at iba pang subok nang kinagigiliwan ng mga bata.
Sa aming tahanan, maraming bisikleta na rin ang naging parte ng aming buhay. Ang kaunaunahan bike na aking nasakyan ay ginamit pa ng kuya kong pitong taon ang tanda sa akin. Kulay pula ang batalya nito. Simpleng BMX na bisikleta na walang gaanong palamuti at tampulan iyon ng mga mata ng kapitbahay. Lagi kasi itong hinihiram dahil bibili ng pagkain ng manok yung anak ng kumare ng nanay ko. Minsan, hiniram ito ng isa pang kapitbahay namin upang pumunta sa palengke at may nakalimutan daw bilhin para sa tindahan nila.
Doon ako unang nakaramdam ng lungkot. Kasi, umuwi yung humiram ng bisikleta namin na umiiyak. Ninakaw pala sa kanya yung bisikleta namin. Inagaw at hinablot ng taong 'di nya kilala.
Doon ko rin unang nasaksihan kung paano makipagusap ang tatay ko sa taong nakagawa ng pagkakamali sa kanya. Malumanay. Madiplomasya. Pero hindi natitinag. Kasi ayaw n'yang basta na lang nawala yung bisikleta ng ganun.
Pagkaraan ng isang linggo, may nakita akong bisikleta na naka-amba sa may pader ng bahay namin. Ito ang ipinalit ng nakawala ng aming orihinal na bisikleta. Hindi ito bago. Kalawangin pa at hindi maayos ang upuan. Tipong galing sa junk shop na nagmula sa tagpi-tagping pyesa. Panandalian lang din ang itinagal ng bisikletang ito dahil mukhang disgrasya pa ang idudulot. Bandang huli ay sa junk shop din ang kinapuntahan nito.
Magmula noon, ilang bisikleta ang nagdaan sa paglaki namin magkakapatid. May pang-racer, na manipis ang kaha. Meron din 3-wheeler, na kung saan ay nasugatan ng husto ang kamay ng bunso kong kapatid habang minamaneho ko ito. Kasi inilagay n'ya ba naman ang ibabaw ng kamay nya sa gulong, na animo'y nanghahasa ng gunting, habang pinatakbo ko ito.
Ngayon at lipas na ang panahon ng pagkahilig ko sa bisikleta. May bisikleta pa rin sa amin, pero hindi ko ito pwedeng sakyan dahil ang kasya lang dito ay ang mga malilikot kong pamangkin. Ngunit sa tuwing nakakita ako ng batang nagbibisikleta at abot tenga ang ngiti dahil sa indayog na dulot ng pagsakay dito, naalala ko ang masasayang nakaraan ng aking kabataan.