Ibon Mandaragit
Mga dalawang linggo na ang nakalipas, naibalita sa paborito kong pahayagan ang tungkol sa pagdagsa ng mga ibon sa bayan ng Candaba. Hindi lang basta mga ibong lumilipad sa himpapawid kundi mga lumilipad na hayop na extinct kung bansagin sa salitang ingles. Kinagabihan noon, ibinalita na rin ito ng mga higanteng brodkaster sa telebisyon.
Napakagandang pagmasdan ng mga ibon. Simbolo sila ng pagiging malaya. Lalo pa kung sila ay nakakalipad ng walang pagaalinlangan. Kapag ikinukulong sila, madaling maramdaman ang lungkot sa pagitan ng hawla kanilang kinalalagyan.
Sa Candaba, Pampanga --malapit sa lungsod ng Angeles, kung saan ako lumaki -- ay may munting sangtuwaryong nilikha para sa mga ibong ito. Nakakatuwa at may mga tao pa rin talagang may malasakit sa kalikasan, lalo na sa mga ibong ito.
Gusto kong pumunta dito balang araw. Syempre, upang makita ang ganda at mailarawan ang mga may pakpak na nilikha.