Biyernes, Enero 4, 2008

Muling Pagtitipon

DSC_6061

Ang nakalipas na bakasyon ay panahon din ng mga masasayang pagtitipon, reunyon ng mag-anak, kaibigan na matagal na panahon ng hindi nagkikita.

Linggo bago ang araw ng Pasko, muli kong nakasama ang ilan barkada ko nung kolehiyo. Datapuwa't hindi kumpleto ang bilang namin, sa mga ganitong okasyon ko nararamdaman ang kahalagahan ng mga kaibigan. Sa kanilang mga ngiti maaaring sukatin kung gaano kasaya ang buhay ng isang tao.

Halos mag-iisang dekada na kaming magkakaibigan, 'di maitatagong may mga pagbabago na sa kilos at gawi namin, at maging sa hitsura. Gayunpaman, napakasayang makasama silang muli, at makipagpalitan ng mga kwento. Sa aking mga barkada, isa lang ito sa aking pakaka-abangan, hindi lang sa panahon ng kapaskuhan.


Huwebes, Enero 3, 2008

Pangarap

DSC_4903

Sa dami na ng pelikulang napanood ko, mapa-tagalog man o nilikha sa tinseltown, kung ito ay drama, tinitiyak kong may eksena ng babaeng aktres na malungkot, iiyak at nakatanaw sa kawalan. Binigo ng pagibig, iniwanan ng mahal, nakalimutan ng anak, namatayan, nasawi ang pangarap. Ilan ito sa elemento ng sine na magpapahiwatig ng kalungkutan.

Lahat tayo, may mga pangarap. Maliit o malaki. Imposible o pwede. Kahindik-hindik o simple. Nakakatuwa lalo na yung mga pangarap na sinusog habang payak pa ang pagiisip. Pangiti-ngiti. Mapupungay na mata. At laging maaliwalas ang mukha.

Sa pangarap, nalilikha ang magagandang kuwento. Sa tuwing nangangarap ka, tingin ka sa malayo at isipin lang, kaya mo ito, kaya natin ito.

Sana matupad lahat ng mga pangarap natin!


Miyerkules, Enero 2, 2008

Larawan ng Kapaskuhan

DSC_6129

Sariwa pa sa aking alala na ang nakalipas na ilang araw ay ilan lang sa pinakamasayang panahon para sa nakararaming Pilipino. Ang Pasko ay ang natatanging pagkakataon sa loob ng isang taon na nagtitipun-tipon ang mag-anak. Kagaya ko na naghahanap buhay malayo sa aking kinalakihan, sa panahong ito nararamdaman ko ang saya ng ganitong tradisyon natin.

Ako ay ganap ng mamamayan ng bansang ito at namulat na sa realidad ng buhay, ilang taon na. Empleyo ng isang korporasyon at parte ng lupon na nagbabayad ng buwis, mahirap ang buhay ika nga, para sa tulad kong ordinaryong tao.

Pero sa tuwing sumasapit ang araw na inaalala natin ang kapanganakan ni Kristo Hesus, kung minsan hirap natin masalat ang diwa nito. Yung iba nga, tahasan nila kung banggitin na hindi nila nararamdaman ispirito ng pagbibigayan.

Magkakaiba tayo ng pananaw. Pero para sa akin, hindi ko na kailangan pang lumayo upang maintindihan ang sayang dulot ng masaganang pagdiriwang ng Pasko. Sa mata ng mga bata sumasalamin ang walang bahid ng kalungkutang saya, na hindi ko pagsasawaang pagmasdan taun-taon, sa tuwing sasapit ang ika-dalawampu't limang araw ng buwan ng Diskyembre.

Martes, Enero 1, 2008

Bagong Taon, Bagong Simula

DSC_6113

Halos magsa-sampung taon na ang nakalilipas noong natutunan kong mahalin ang pagsusulat. Nasa ikalawang taon ako ng kolehiyo ng maimbitahan akong sumulat para sa pahayagan ng mga magaaral doon sa aking alma mater. Sa gayong pagkakataon, ako'y maituturing na musmos pagdating sa pagsusulat.

At sa haba ng panahon yaon, marami akong mga natutunan. Kagaya ng pagsusulat ng wasto, hindi lang ayon sa tamang balarila kundi naa-angkop sa uri ng mambabasa. Naging pintuan ko rin ito sa ibang kaalaman na sa tingin ko ay hindi ko napagtanto kung hindi sinabak ang mundo ng mga manunulat ng pahayagan.

Nakapagtapos ako sa pagaaral. Nakakuha ng lisensya sa pagiging inhinyero. Natanggap sa trabaho sa isang malaking pabrika ng mga piyesa ng kompyuter.

Tinahak ko ang landas ng karamihan at naging pasakalye na lamang ang pagsusulat sa mga nakalipas na taon. Sa ngayon, maituturing ko na bata pa rin ang aking kakayanan sa paglikha ng mga sanaysay, tula, kwento at iba pa. Kulang pa rin ako sa karanasan na magbibigay sa akin ng malawak na kaisipan sa pagsusulat.

Kakambal ng aking pagsusulat ay ang pagpukaw sa akin ng sining ng potograpiya. Kung minsan, napakahirap isalaysay ang isang pangyayari o damdamin sa pamamagitan lang ng salita. Mas maipapahayag ito sa isang retrato.

Sa pagpasok ng bagong taon, nais kong humakbang pa ng isang baitang para palawigin ang aking kaalaman sa pagsusulat at lalo na sa pagkuha ng larawan. Nakakalungkot isipin na sa nakalipas na taon ay napabayaan ko ng husto ang blog na ito.

Isang retrato sa bawat araw. Layunin kong maging magaling na photographer. At sa tingin ko sa pamamagitan nito, kaakibat ng maikling kwento sa bawat larawan ay magiging daan sa pagkamit ng ganitong adhikain, hindi lang para sa 'kin, kundi para sa inyong lahat ng mambabasa at tumatangkilik sa sining ng potograpiya.

Aasahan ko ang inyong patuloy na pagbibisita.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...