Martes, Enero 1, 2008

Bagong Taon, Bagong Simula

DSC_6113

Halos magsa-sampung taon na ang nakalilipas noong natutunan kong mahalin ang pagsusulat. Nasa ikalawang taon ako ng kolehiyo ng maimbitahan akong sumulat para sa pahayagan ng mga magaaral doon sa aking alma mater. Sa gayong pagkakataon, ako'y maituturing na musmos pagdating sa pagsusulat.

At sa haba ng panahon yaon, marami akong mga natutunan. Kagaya ng pagsusulat ng wasto, hindi lang ayon sa tamang balarila kundi naa-angkop sa uri ng mambabasa. Naging pintuan ko rin ito sa ibang kaalaman na sa tingin ko ay hindi ko napagtanto kung hindi sinabak ang mundo ng mga manunulat ng pahayagan.

Nakapagtapos ako sa pagaaral. Nakakuha ng lisensya sa pagiging inhinyero. Natanggap sa trabaho sa isang malaking pabrika ng mga piyesa ng kompyuter.

Tinahak ko ang landas ng karamihan at naging pasakalye na lamang ang pagsusulat sa mga nakalipas na taon. Sa ngayon, maituturing ko na bata pa rin ang aking kakayanan sa paglikha ng mga sanaysay, tula, kwento at iba pa. Kulang pa rin ako sa karanasan na magbibigay sa akin ng malawak na kaisipan sa pagsusulat.

Kakambal ng aking pagsusulat ay ang pagpukaw sa akin ng sining ng potograpiya. Kung minsan, napakahirap isalaysay ang isang pangyayari o damdamin sa pamamagitan lang ng salita. Mas maipapahayag ito sa isang retrato.

Sa pagpasok ng bagong taon, nais kong humakbang pa ng isang baitang para palawigin ang aking kaalaman sa pagsusulat at lalo na sa pagkuha ng larawan. Nakakalungkot isipin na sa nakalipas na taon ay napabayaan ko ng husto ang blog na ito.

Isang retrato sa bawat araw. Layunin kong maging magaling na photographer. At sa tingin ko sa pamamagitan nito, kaakibat ng maikling kwento sa bawat larawan ay magiging daan sa pagkamit ng ganitong adhikain, hindi lang para sa 'kin, kundi para sa inyong lahat ng mambabasa at tumatangkilik sa sining ng potograpiya.

Aasahan ko ang inyong patuloy na pagbibisita.

Walang komento:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...