Sabado, Disyembre 8, 2007

Isang Indikasyon

DSC_4940

Malamig na ang hangin. Hindi maipagkakailang lamig ito dulot ng pagbabago sa klima at panahon. At dahil sa malapit na ang kapaskuhan.

At sa aking pagiikut ikot, marami na rin ang mga ilaw na kumukutitap at kumikislap. Sana lagi na lang ganito, para palaging may liwanag.

DSC_4925

Huwebes, Nobyembre 1, 2007

Kapayapaan

DSC_2561

Sa tuwing ang alon sa dagat ay tahimik
At ang kulay ng langit ay asul
Kapag ang hangin may lamig na taglay
Dumadapo sa makinis na pisngi

Nadarama ko ang kapayapaan

Dasal ko palagi ikaw ay nariyan
Mga kasungitan ay iyong linisan
Kapayapaan sa puso ay manitili sa lahat
Wagas at busilak, puro at kalidad

Kapayapaan, iyong maramdaman 

Sabado, Oktubre 27, 2007

Dausdos sa Dalampasigan

DSC_2415

Mahilig ka ba sa palakasan? Sa dalampasigan ng Puerto Galera sa Mindoro, una ako nakasilay ng mga larong pantubig, gaya ng banana boat.


DSC_2424

Sa isla naman ng Boracay, ito ang isa sa atraksyon na pwedeng pagkaabalahan. Skimboarding kung tawagin.


DSC_2408

Napaka-simple lang nito gawin kung titingnan. Tatakbo habang tangan ito at sabay ibabagsak sa tubig at sasakyan ito hanggang sa dumausdos ng kayang abutin. Nakakatuwa. Nakakaaliw pagmasdan.


DSC_2423

Dahil tangan ko ang kamera, hindi ko ito nasubukan. Sayang! Di bale sa susunod na punta ko doon, ililista ko ito para hindi ko makalimutan.

Huwebes, Oktubre 18, 2007

Pagdiriwang para sa Kalikasan

EMS_2007


Sa ikalawang pagkakataon, may patimpalak sa aming kumpanya at ako ay sumali.
Ito ay isa lang sa paraan ng kapulungan sa aming planta upang gunitain ang pangangalaga natin para sa kalikasan.
Ito ang aking isinumeteng larawan na meron kaukulang kapsyon naka-sulat sa salitang ingles.

"Environment and Man"
Nature is a huge playground for mankind. Let's do our share in keeping it clean and safe.

Biyernes, Setyembre 7, 2007

Pagasa ng Bayan

DSC_2086

Minsan isinulat
ng isang bayani:
Ang kabataan,
ang pagasa
ng sambayanan

Isang larawan
ng mga magigiliw na kabataan.
Na puno ng mga ngiting
walang bahid ng kalungkutan.

Sana'y maging ehemplo tayo
sa kanilang paglaki.
Upang maging responsable
at mapagmahal sa bayan.

Lunes, Setyembre 3, 2007

Dalisay

PeacefulAng tubig ay dalisay. Puro at malinis. Ngunit lahat ng bagay sa mundo ay may hangganan. Maging ang buhay ng tao, darating ang punto na ito'y tutuldukan. Sa mga susunod na henerasyong yayakap sa mundong ating ginagalawan ngayon, dalawa lang ang maari nilang kahantungan. Ipagpapatuloy nila ang buhay ng masagana o magdudusa dhail sa ating kapabayaan.

Tumingin ka sa mga larawan dito. Lumangoy ako sa tubig na nagmumula sa talong ito. Napakasarap ang pakiramdam. Malamig ang tubig na parang nanggaling sa freezer o refrigerator.

Mapalad ako dahil nasaksaksihan ko itong isa ganda ng ating likas yaman. Ngunit ako ay nababahala para sa aking mga batang pamangkin, sa magiging anak ko at mga anak rin nila sa hinaharap.

Kung ang tao ay hindi marunong magtipid ng tubig, darating ang yugto sa mundong ito na ang mga yamang tubig ay mawawala. Kung ang tao ay walang pakundangan sa pagtapon ng basura sa mga ilog, hindi malabong maglalaho rin ang gandang nakikita pa natin ngayon. Natatakot akong dumating ang araw na sa mga larawan na lamang tulad nito ito masasaksihan.

Taytay Falls

Miyerkules, Agosto 29, 2007

At Sila'y Naging Isa

DSC_1618

Kahit bagyo'y di makakapigil.DSC_0743
Kapamilya at kaibigan
Naging saksi sa isang kasalanan.
Pagiisang dibdib ng dalawang puso,
Tadhana ang nagtagpo.

Dalawang pamilya ay nagtipon
Para sa selebrasyon ng bagong panahon.
Kaibigan ay nagkaroon ng pagkakataon
Kumustahin ang bawat isa.

DSC_1496Subalit ang pinakamahalaga
Ay pagsasakatuparan sa pagmamahalan
Walang hahadlang
Wagas at tunay na kagigiliwan.

Para sa aking dalawang kaibigan
Wala na akong hihilingin pa
Kundi sana'y maging maligaya
Ang inyong pagsasama.


DSC_1116DSC_0485DSC_1526Waiting...DSC_1267DSC_1580

Biyernes, Agosto 17, 2007

Si Edong

Ay isang kaibigan na:

Mapagbigay sa kapwa, kaibigan, at ka-opisana. Hindi ko masukat ang pagmamahal nya sa pamilya at dahil wagas ito sa kanya, na parang daloy ng tubig sa talon, naibabahagi nya rin ito maging sa ibang tao.

Malapit sa puso ng kanyang mga kaibigan. Sa panahong nakasama ko s'ya at naging ka-partner sa pagkumpuni ng hard disk, hinangaan ko ang kanyang pagiging close sa mga tao. Lalo na sa mga dati nyang nakatrabaho. Kadalasan may lalapit na lang sa kanyang mesa, magha-hi, mangungumusta, at sa aking pagmasid ko naramdaman ko rin minsan ang saya ng kanilang pagiging magkaibigan sa pamamagitan ng kanilang mga abot-tengang ngiti.


Hindi nang-iiwan at lagi kang susuportahan. Kapag pagod ka nang mag-organisa ng kasayahan tulad ng Christmas party, andyan lang s'ya sa likod mo, sasaluhin ka kapag di mo na kaya. Pero bukod dun, siya ay matalino, magaling magisip, 'di ko matalo sa ahedres, at laging may baong biskwit.

Aba! Eh syempre, guwapo!

Natural na komedyante at sigurado akong laging masaya ang oras mo sa tuwing kasama mo s'ya. Nakakalungkot lang isipin dahil dumating na ang takdang araw na huli ko na s'yang makikita bilang kapwa manggagawa ng hitachi.

Higit sa lahat, isang natatanging kwentista at manunulat. Kaya ang bilin ko sa kanya, na i-libre na yung kopya ko ng mga librong ilalathala nya pagdating ng panahon.

Maraming salamat, kuya Edong, Sa tuwa, ligaya, lungkot, trabaho, panahon na ating pinagsamahan! Pinagsamahang gaya ng sabi mo, na parang Erik Morales at Manny Pacquiao. Palakang katulad Manny!

Hanggang sa muli!

Martes, Agosto 14, 2007

Kasal... Kaibigan...

DSC_0133

Sa darating na sabado, masusubukan ko na rin kung paano maging isang wedding photographer. Gaya ng lahat ng bagay na unang tinatahak, hindi pa ako sanay sa ganitong klase ng potograpiya. Mula ng nakahiligan ko ito, napagtanto kong napakalawak pala ang pwedeng maging kahulugan ng isang retratista.DSC_0166

DSC_0292Sa larangan ng medisina, meron espesyalista sa mata gaya ni Dr. Jose Rizal. Surgical, orthopedic, pediatric, eksperto sa sakit sa puso at maging ang psychologist ay doktor naman sa pagiisip. Tulad ng mga ito, natuklasan kong napakaraming pagpipilian kung ano ang magdidikta sa uri ng isang taong may tangan ng kamera.

Meron kumukuha ng retrato ng kagandahan ng kalikasan lalo na ang mga mahihilig maglakbay sa iba't ibang lugar. Meron din sa mga palakasan at isports. Sa mga peryodiko, natuturingan photojournalist ang isang lumilikha ng larawan na nagbabalita at nagbibigay impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa paligid.

Napakamura pa ng aking isip pagdating sa pagkuha ng larawan at namamangha ako sa tuwing nakakakita ng iba't ibang uri ng retrato. Para akong embudo na sumasalo ng napakaraming ideya at nais isakatuparan sa pamamagitan ng aking kamera.

DSC_0257

Magaganap sa darating na sabado ang isang napakahalagang araw ng dalawa kong kaibigan nakilala ko mahigit apat na taon na ang nakalipas. Pareho ko silang kasama sa trabaho at sa araw na iyon, pagiisahin na sila. Ipinasya kong maging isa sa kukuha ng piktyur ng maliligaya at masasayang eksena ng kanilang pagiisang-dibdib. Sa ganitong pagkakataon, nais kong ihandog ito sa kanila bilang kaibigan, at syempre magkaroon na rin ng totoong karanasan sa ganitong klasing larangan.

DSC_0325

Biyernes, Agosto 10, 2007

Bisikleta

DSC_0278

Sinong makakalimot sa sayang idinulot ng bisikleta nung kabataan pa natin?

Bawat bata ay sigurado akong naging parte sa paglaki ang pagkahilig sa pagsakay ng bisikleta. Tulad din ito ng mga ordinaryong laro gaya ng piko, holen, taguan, patintero, tumbang preso at iba pang subok nang kinagigiliwan ng mga bata.

Sa aming tahanan, maraming bisikleta na rin ang naging parte ng aming buhay. Ang kaunaunahan bike na aking nasakyan ay ginamit pa ng kuya kong pitong taon ang tanda sa akin. Kulay pula ang batalya nito. Simpleng BMX na bisikleta na walang gaanong palamuti at tampulan iyon ng mga mata ng kapitbahay. Lagi kasi itong hinihiram dahil bibili ng pagkain ng manok yung anak ng kumare ng nanay ko. Minsan, hiniram ito ng isa pang kapitbahay namin upang pumunta sa palengke at may nakalimutan daw bilhin para sa tindahan nila.

Doon ako unang nakaramdam ng lungkot. Kasi, umuwi yung humiram ng bisikleta namin na umiiyak. Ninakaw pala sa kanya yung bisikleta namin. Inagaw at hinablot ng taong 'di nya kilala.

Doon ko rin unang nasaksihan kung paano makipagusap ang tatay ko sa taong nakagawa ng pagkakamali sa kanya. Malumanay. Madiplomasya. Pero hindi natitinag. Kasi ayaw n'yang basta na lang nawala yung bisikleta ng ganun.

Pagkaraan ng isang linggo, may nakita akong bisikleta na naka-amba sa may pader ng bahay namin. Ito ang ipinalit ng nakawala ng aming orihinal na bisikleta. Hindi ito bago. Kalawangin pa at hindi maayos ang upuan. Tipong galing sa junk shop na nagmula sa tagpi-tagping pyesa. Panandalian lang din ang itinagal ng bisikletang ito dahil mukhang disgrasya pa ang idudulot. Bandang huli ay sa junk shop din ang kinapuntahan nito.

Magmula noon, ilang bisikleta ang nagdaan sa paglaki namin magkakapatid. May pang-racer, na manipis ang kaha. Meron din 3-wheeler, na kung saan ay nasugatan ng husto ang kamay ng bunso kong kapatid habang minamaneho ko ito. Kasi inilagay n'ya ba naman ang ibabaw ng kamay nya sa gulong, na animo'y nanghahasa ng gunting, habang pinatakbo ko ito.

Ngayon at lipas na ang panahon ng pagkahilig ko sa bisikleta. May bisikleta pa rin sa amin, pero hindi ko ito pwedeng sakyan dahil ang kasya lang dito ay ang mga malilikot kong pamangkin. Ngunit sa tuwing nakakita ako ng batang nagbibisikleta at abot tenga ang ngiti dahil sa indayog na dulot ng pagsakay dito, naalala ko ang masasayang nakaraan ng aking kabataan.

Martes, Agosto 7, 2007

Tumbero

DSC_0202

Hindi ko ipagkakaila, isa akong manginginom.

Tandang tanda ko pa yung gabing iyon. Nasa ikatlong taon ako ng kolehiyo noong natutunan kong makipag-halikan kay manong Budweiser sa Margarita's Station. Kasama ko ang isang kaibigan na miyembro rin sa pahayagang pangkampus na aking sinalihan noong nagaaral pa ako. Ang buong akala ko, eh, magbibilyar lang kami. Pagkatapos ng ilang pagkatalo, ayun, lagi akong naiwan mag-isa sa mesa dahil hasler pala itong kaibigan ko, pagdating sa larong pinaghaharian ni Efren " Bata" Reyes.

Ang patakaran kasi sa paglalaro sa loob ng bar ay ang talunan ang magbabayad ng mesa. Yung mananalo ay maiiwan at kakalabanan ang nakasunod sa pila. Mapapalitan lang ang manlalaro kung ito ay tatalunin ng susunod na kalaban. Matagal-tagal bago nakatapat ng magaling itong kaibigan ko at umupo na s'ya. Ngunit, hilo na ako sa dalawang bote at inaya ko na syang umuwi.

DSC_0215

Doon na nagsimula ang pagkatuto ko sa pag-iinom. Minsan napapadalas. Minsan hindi rin. Kadalasan nakadepende kung sino ang manlilibre.

Ilan sa hindi ko malilimutan na pagsasalu-salo naming magbabarkada na kasama ang beer ay yung inaabot na kami ng umaga, nagkukwentuhan lang. 'Pag walang pagsusulit sa eskwela at medyo libre ng kaunti, pagkatapos ng huling aralin ay dumederetso na sa bilyaran. T'yak, may kasamang beer yun.

DSC_0206

Noong minsan naglalakad kami sa isang parke sa Angeles, inikot namin ito sa paghahanap ng mapagtatambayan. Nung napagod na ang tropa, sa simpleng tindahan na lang ipinarada ang mabibigat na pwet at daliang umorder ng tigi-tigisang bote ng light beer. Doon ako nakasaksi na naging tubig ang beer.

Lahat ng bagay ay may katapusan. At sa ilang taong din pagsasama naming magkakaibigan, masasabi kong naging masayang paraan din ang pagiinom sa lalong pagtitibay ng aming tropa. Ngayon, ang bawat isa ay may kani-kaniyang mga trabaho at malayo na sa isa't isa. Nagkikita pa rin kami, nagkwe-kwentuhan, subalit, napakadalang ang pagkakataon 'andyan ang mesa kung saan nakalatag ang bote ng malamig na beer.


Sabado, Agosto 4, 2007

Maynila

DSC03305

'Di ko naranasan lumaki sa lungsod ng Maynila.

Tumira ako noon sa isang paupahang bahay sa Sampaloc. Malapit ito sa UST at noo'y naghahanda ako para sa pagsusulit ng PRC sa mga nagnanais makakuha ng lisensyang pang-inhinyero. Pero limang buwan lang ang inilagi ko doon. Kadalasan umuuwi ko sa amin pagdating ng biyernes at balik ko na ay lunes. Bukod sa ilang beses na paglakad sa baha, masasarap na pagkaing kalye at magagandang estudyante dumaraan araw araw sa parteng ito ng U-Belt, napagtanto ko na malaking pagkakaiba rin ang marahil na kakagisnan ko kung sakaling sa syudad ako lumaki at nagkaisip.

Ito ay kinunan ko habang naghihintay sa pagdating ng susunod na tren ng LRT sa istasyon ng Carriedo noong nakaraang linggo. At tumambad sa akin ay isang retrato na animo'y naglalarawan sa hitsura ng Maynila mga ilang dekada na ang lumipas.

Biyernes, Hulyo 27, 2007

Repleksyon

DSC_0024

Anong meron sa larawang ito?

Bukod sa 'di mabilang na lalaking nakasabit sa likuran ng dyip, sa tingin ko, mas daig pa nito ang ganyan pagsasalaysay sa isang larawan.

Sa aking pananaw, hindi lang ito isang simpleng larawan na nakikita sa araw araw kundi'y repleksyon ng kung anung meron tayo, kung ano tayo.

Pakikisama? Pwede! Mas marami, mas masaya.

Kahirapan? Marahil walang pamasahe o kaya kaunting bilang lamang ng dyip ang bumabaybay sa lugar na ito. Wala ng ibang paraan paano makakauwi sa bahay kundi makisiksik, makisabit

Ganito na ang kinagisnan. Bawat taong nakasakay, may kani-kaniyang kwento bitbit. Sa bawat ikot ng gulong ay may istorya na maaring maisip na nakakatuwa, nakakaiyak, nakakapagpasaya o di kaya'y nakakagalit.

DSC_0023

Kung isa ka sa pasahero? Ano kayang kwento ang dala mo?

Doon sa bubong may lugar pa. Tara sakay tayo!


Martes, Hulyo 24, 2007

Dyipni

Pinoy Jeepney

Yan ang lakas ng Dyipni. Kayang isakay ang gomang bangka.

Linggo, Hulyo 22, 2007

Pag-aalaga ng Manok

Matagal tagal na rin nung huli nagkaroon ng retrato ang blog na ito. Marami kasi ang nangyari at kung ikukwento ko e baka hindi retrato ang maibahagi ko kundi isang nobela.
Kaya sisikapin ko muli buhayin ang munting espasyong pinagkukublian ko ng mga retrato para sa aking mga mambabasa... teka nasan nga ba kayo?

DSC02987

Nung huling uwi ko sa amin sa lugar na aking kinalakihan, sa lunsod ng Angeles sa Pampanga, napansin kong nabuhayan na naman ang likuran ng aming bahay. Meron ulit silang mga alagang hayop. Hindi aso o pusa ang tinutukoy ko kundi mga manok! At ang nakakatuwa pa nito ay may mga sisiw na ung alagang inahin. Nakaka-aliw silang pagmasdan at mapapangiti ka talaga pag nakita mo ung mga sisiw. Sabi ko sa pamangkin na alagaan nila itong mga manok ng mabuti dahil sa oras ng kagipitan, e malaki ang maitutulong nila gaya ng pagkain sa panahong wala ng pambili ng ulam.

DSC02979

Kaya ibinilin ko sa kanila na pagpapakain at alaga ang ibinibigay sa kanila, kundi bantayan din at ilayo sa masasamang elemento. Dati na rin kasi kaming nagaalaga ng manok at baboy nung bata pa ako, gaya nila ngayon.

DSC02976

Kaya ayon na lang sa mga naging karanasan ko, ang isa sa pumupuksa sa mga sisiw ay mapanirang daga, masibang mga pusa at magnanakaw na kapitbahay. Madaling ilayo sa sakuna ng unang dalawang nabanggit ko dahil kailangan lang ng matibay na kulungan at wag hahayaan ang mga manok na makawala dito. Pero dun sa huli medyo mahirap lalo na at madalas na sa dilim ito nangyayari.

DSC02973

Pero ganun pa man, ito ang mga retrato na kinuha mismo ng pamangkin kong si Tricia habang meron akong nireretratong iba.

DSC02984

Huwebes, Marso 15, 2007

Pambansang Hayop


Para sa mga nakakalimot, ito ang pambansang hayop ng Pilipinas, ang kalabaw.

Nakuhanan ko ito nung nagpunta ako sa bahay ng aking pinsan sa Nueva Ecija, at magmula noon, tinitigan lang kami, kaya tinitigan ko rin sya. May retrato pa!

Natutuwa kasi ako at nakakita ulit ako ng kalabaw sa mahabang panahon. Malabo na rin makakita pa kasi ako ng ganitong hayop sa syudad, lalo na sa Maynila.

Lunes, Marso 12, 2007

Makulay




Ang mga bulaklak ang nagbibigay kulay sa paligid. Kaya nararapat lang na ito ay bigyan pansin.
Ang mga retratong ito ay ilan sa mga nakakaantig na larawan ng makulay nating mundo na aking nakuhanan.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...