Lunes, Mayo 12, 2008

Presentasyon

Show and Tell

Sa alin mang bagay, basta maganda sa presentasyon, ito ay mangingibabaw.

Nang nakaraang linggo, isang oras bago mananghalian, naantig ang damdamin ng mga manonood sa isang palabas na sa Subic karaniwan matatagpuan. Isang aeta ay kinagiliwan ng mga bakasyunista nagmula sa Maynila sa pagpapakita kung paano lumikha ng apoy, kung sakaling ang isa ay maligaw sa gubat.

Syempre hindi ko na sasabihin kung paano, ang konsepto lang naman ay pagkikiskis ng tuyong kawayan hanggang uminit at maging apoy.

Ang nakakasayang eksena lang ay makitang pagkakaroon ng komunikasyon sa pagitan ng mga karaniwan at katutubong Pilipino. Laki ako sa syudad ng Angeles at sa hindi kalayuan nito sa Zambales, marami ng pagkakataon na nakita ko sila. Madalas hindi maganda ang pakikitungo natin. Ipinagwawalang bahala at ang iba ay pinandidirihan pa.

Sa kanilang lahi makikita ang katutubong Pilipino. Kaya natutuwa ako sa ganung okasyon. Sana balang araw, maging 'malaya' rin silang namumuhay gaya natin.


Biyernes, Abril 11, 2008

Kamote

"Kamote"

Sa panahon ng krisis sa bigas, marami ang tiyak na magugutom. Lalo na yung mga mahihirap na walang pambili sa nagtataasan presyo nito.

Sa panahon ng krisis, may obligasyon bawat isang makibahagi at tumulong masugpo ang isyung ating kinakaharap ngayon. At heto ang aking munting suhestiyon na pwedeng ipampalit sa bigas: kamote.

Natural at walang kolesterol na nakakasama sa katawan at kung tutuusin mapapakinabangan ito ng husto mula dahon hanggang ugat na pwedeng ilaga o di kaya iprito para magingkamote que. Ang tangkay nito ay paborito kong kainin. Itapat mo lang sa umuusok na kaldero at pwede ng ihain kasama ang bagoong o kaya alamang para sa masarap na pananghalian.

May kasabihan nakapagbibigay ang kamote ng sobrang hangin at lumalabas ito sa ating katawan bilang utot. Subalit naniniwala akong may sustansya pa rin itong taglay tulad ng bigas. Kaya mga kapatid, kung may bakanteng lupa sa inyong likuran, itanim lang ang tangkay nito at diligan. Sigurado sa paglipas ng ilang araw at linggo, meron ka ng masarap na ulam

Huwebes, Abril 10, 2008

Tatlung Sulok at Ang Mukha

Triangle (Tatsulok)

Sa pagnanais na makatagpo ng paksang magpapahiwatig ng tatsulok, panay buntong hininga lang ang naging kinahinatnan ng aking pagsasaliksik sa munting espasyo ko dito sa inuupang bahay. Wala. Puro mga kuwadrado at bilog at mga iregular na hugis lang ang makikita.

Kaya napaupo na lang ako sa silya kong kahoy at nagisip. Ang aking kaliwang kamay ay tangan ang aking baba samantalang nakaposisyon naman ang kanan hawak ang kaliwang siko. Tsaka biglang bumulagta sa akin ang isang ideya.

Bakit hindi ko na lang itatsulok ang mukha sa pamamagitan ng aking kamay. At eto ang naging resulta. Ikinabit ko sa tripod ang kamera at nagbakasaling makakuha ng magandang angulo gamit ang remote controller. Maraming nasayang na film baterya, at sa dami na ng pindot ang nagawa ko, wala pa rin maayos na kinalabasan. Subalit, sadyang may pasensya ang inyong aba. At sinubukan pilit makalikha ng kaaya-ayang larawan swak sa inyong panlasa.

Sana po ay maibigan nyo.


Huwebes, Abril 3, 2008

Kabilugan ng Buwan

Maglalathala sana ako ng retrato ng mga barya, sapagkat ito'y pisikal na halimbawa ng bilog, para sa lingguhang showcase ng mga retratong likha ng ..::ehem::.. sino pa eh 'di mga Pinoy! Subalit may nauna na pala sa akin, si kapatid na iRonnie kaya naisip kong baguhin na lang ang aking ilalahok. Naghalungkat ako sa baul ng aking mga nakuhanang retrato sapagkat mauubos na ang oras ng Huwebes, hindi na ako makakapagpiktyur pa at malamang hindi ko maipasok itong lathalaing kong ito. Sa tuwing huwebes po kasi lumalabas ang mga naggagandahang retrato sa Litratong Pinoy. Sa katunayan, ngayon ika-3 ng Abril ang simula ng adhikaing ito.

Sa aking paghahanap, wala ng ibang mas angkop pa kundi ang larawan ko ng buwan nung mahal na araw. Ayan sya. Bilog na bilog. Gamit ang aking manuwal at matanda-pa-sa-akin lente, sinikap kong makuhanan sya ng naka-hawak kamay lamang at hindi ginamitan ng tripod.

The White Ball

Napakabilog at napakaganda ng buwan sa retratong ito (sa tingin ko ha hehehe). Sumilip ako sa bintana kanina bago ko isulat ito, at ni balangkas ng katabing bahay ay 'di ko maaninag sa sobrang dilim. Nagtatago na kasi ang buwan. Wala na sya at marahil nasa kabilang parte ng daigdig, at doon nagbibigay ng liwanag sa dilim.

Nakakatuwang basahin ang iba't ibang retratong ipinakita ng kapwa ko retratista sa Litratong Pinoy. Subalit maliit pa lang -- kung tutuusin -- ang bilang namin, masayang isipin na ito ay simula ng pagbabahaginan namin sa isa't isa ng ideya, konsepto, kaisipan, at higit sa lahat, pagkakaibigan.

Sabado, Marso 22, 2008

Kahel

Sumptuous Liquid

Alam mo ba ang salitang tagalog ng Orange?

Tama ka! Ang pamagat ng ipinaskil kong retrato para sa araw na ito ang aking tinutukoy.

Linggo, Marso 16, 2008

Sardinas

Dipolog's Best

Matutunton itong pagkaing ito sa syudad ng Dipolog sa Zamboanga. Napakasagana talaga ng bansa natin pagdating sa mga pagkain. Bawat probinsya ay meron kani-kaniyang ipinagmamalaki. Ang Zamboanga ay napaliligiran ng dagat kaya likas lang na ang pangunahing pinagkukunan nila ng pagkain syempre sa dagat.

May anghang at may sarap ang spanish-style na sardinas na ito. Naka-garapon imbes na lata, tiyak na selyado ang sariwang bango ng isda. Ubos na ang isang ito nung maisipan kong retratuhin kaya kung mapapabanda ka sa Dipolog, 'wag mo kalimutan tikman at magbitbit sa iyong pagbabalik.

Miyerkules, Marso 12, 2008

Silbi ng Bubong

_just outside the window

Kapag naiinip ako sa bahay, dumudungaw ako sa bintana, magmamasid at makikinig sa kanilang mga huni.

Linggo, Marso 9, 2008

Katakam-takam

Fruits Season is Here

Panahon ng tag-araw ay panahon ng pagsibol ng mga punong-kahoy na namumunga. Magiging sagana ulit ang mga palengke sa makukulay na prutas tulad ng santol, mangga, at bayabas.

Sabado, Marso 8, 2008

Abot-Tanaw

DSC_1052


Madalas, ito ang saksi sa paguulayaw at matamis na oras ng magsing-irog sa gabing maliwanag. Tampulan din ito ng sisi ng mga nakakaranas ng mga pagsubok at hindi malampasang mga problema.

Kung ako siguro ang buwan, kilala ko na lahat ng tao. Andyan lang sya, hindi sya nawawala. Nagbibigay liwanag sa madilim na gabi. Nakikinig sa mga hinaing ng lasing.


Huwebes, Marso 6, 2008

Diskarte

Classic 200mm f/4 lens
Kung kaya ng hayop magawa ang mga bagay na kung titingnan mo ay imposible, tayo pa kayang mga tao na ipinagkalooban ng malikhain at malawak na pag-iisip ay hindi malalampasan ang mga balakid sa ating mga daan?

Martes, Marso 4, 2008

Adik

Light Heavy Weight

Ang salitang ito ay pang-uri na karaniwang isinasalaysay ang masamang kaisipan. Kapag tinawag kang "adik", alipin ka ng isang bagay, tao o maging ng imahinasyon, na maaring ikinasasama ng kalusugan, kaisipan o buhay.

Sa malikhaing pagiisip ng mga kompositor, tulad ng bandang Rivermaya, may awitin silang pinamagatang "Adik sa 'yo". Marahil napapaindak na ang iyong pagiisip at pumapadyak na ang iyong mga paa sa saliw ng musika ng Rivermaya, lalo na nung orihinal na pangkat pa sila.

Ito rin ang kinasasadlakan ko ngayon. Adik ako. Adik ako sa paghuli ng mga larawan na malalayo.

Kaya eto. Meron akong bagong kinalolokohan.

Lunes, Pebrero 25, 2008

Paru-Paro

Wingspan

Isa sa mga pinakamagandang lumilipad na hayop ay ang paru-paro.

May puno ng santol sa likod ng aming bahay na binahayan noon ng mga uod sinlaki ng ordinaryong hotdog. Sa murang edad ko noon ay sinunog namin ang mga ito dahil tinadtad at inubos nila ng dahon ng puno.

Lingid sa aking kaalaman na sila'y mga natatanging uod na sa paglipas ng ilang araw, ibabalot ang sarili sa hinabing cocoon at uusbong ng may maladiyosang kagandahan at lilipad sa ere bilang paru-paro.

Linggo, Pebrero 24, 2008

Bayanihan

DSC_8126

Likas sa ating mga Pinoy ang tulungan ang isa't isa. Sa larawang ito, inililigpit ng mga namamahala ng isang lobong pinalilipad sa pamamagitan ng mainit na hangin ang kanilang gamit. Hindi nakalipad ang lobo dahil sa sobrang lakas ng hangin sa umaga. Sayang dahil hindi ko nasaksihan ang paglipad ng mga higanteng lobo sa dating base ng US, sa Clark, Angeles City.

Babalik na lang ako sa Enero ng susunod na taon.

Daig ng Maagap ang Masikap

DSC_7046

Ito'y isang halimbawa ng tiyaga.

Miyerkules, Pebrero 6, 2008

Bakante

DSC_6064

Sa mata ng negosyante, masakit sa matang makita ang nilalangaw na tindahan, tahimik na resto at matumal ang benta

Lunes, Pebrero 4, 2008

Antigo

DSC_7197

Sa tahanan ni Andrei sa Makati, makikita ang silyang ito. Luma na. Pero kataka-takang nasa ayos pa rin ang hitsura nito. Pinahiran ng barnis at muli itong naging parang bago. Kung hindi pa sasabihin ng kaniyang tatay na nagmula pa ito sa kanyang pagkabata, ay hindi ko aakalaing matanda pa ito sa akin.

Miyerkules, Enero 30, 2008

Ibon Mandaragit

DSC_2806

Mga dalawang linggo na ang nakalipas, naibalita sa paborito kong pahayagan ang tungkol sa pagdagsa ng mga ibon sa bayan ng Candaba. Hindi lang basta mga ibong lumilipad sa himpapawid kundi mga lumilipad na hayop na extinct kung bansagin sa salitang ingles. Kinagabihan noon, ibinalita na rin ito ng mga higanteng brodkaster sa telebisyon.
Napakagandang pagmasdan ng mga ibon. Simbolo sila ng pagiging malaya. Lalo pa kung sila ay nakakalipad ng walang pagaalinlangan. Kapag ikinukulong sila, madaling maramdaman ang lungkot sa pagitan ng hawla kanilang kinalalagyan.
Sa Candaba, Pampanga --malapit sa lungsod ng Angeles, kung saan ako lumaki -- ay may munting sangtuwaryong nilikha para sa mga ibong ito. Nakakatuwa at may mga tao pa rin talagang may malasakit sa kalikasan, lalo na sa mga ibong ito.
Gusto kong pumunta dito balang araw. Syempre, upang makita ang ganda at mailarawan ang mga may pakpak na nilikha.

Biyernes, Enero 4, 2008

Muling Pagtitipon

DSC_6061

Ang nakalipas na bakasyon ay panahon din ng mga masasayang pagtitipon, reunyon ng mag-anak, kaibigan na matagal na panahon ng hindi nagkikita.

Linggo bago ang araw ng Pasko, muli kong nakasama ang ilan barkada ko nung kolehiyo. Datapuwa't hindi kumpleto ang bilang namin, sa mga ganitong okasyon ko nararamdaman ang kahalagahan ng mga kaibigan. Sa kanilang mga ngiti maaaring sukatin kung gaano kasaya ang buhay ng isang tao.

Halos mag-iisang dekada na kaming magkakaibigan, 'di maitatagong may mga pagbabago na sa kilos at gawi namin, at maging sa hitsura. Gayunpaman, napakasayang makasama silang muli, at makipagpalitan ng mga kwento. Sa aking mga barkada, isa lang ito sa aking pakaka-abangan, hindi lang sa panahon ng kapaskuhan.


Huwebes, Enero 3, 2008

Pangarap

DSC_4903

Sa dami na ng pelikulang napanood ko, mapa-tagalog man o nilikha sa tinseltown, kung ito ay drama, tinitiyak kong may eksena ng babaeng aktres na malungkot, iiyak at nakatanaw sa kawalan. Binigo ng pagibig, iniwanan ng mahal, nakalimutan ng anak, namatayan, nasawi ang pangarap. Ilan ito sa elemento ng sine na magpapahiwatig ng kalungkutan.

Lahat tayo, may mga pangarap. Maliit o malaki. Imposible o pwede. Kahindik-hindik o simple. Nakakatuwa lalo na yung mga pangarap na sinusog habang payak pa ang pagiisip. Pangiti-ngiti. Mapupungay na mata. At laging maaliwalas ang mukha.

Sa pangarap, nalilikha ang magagandang kuwento. Sa tuwing nangangarap ka, tingin ka sa malayo at isipin lang, kaya mo ito, kaya natin ito.

Sana matupad lahat ng mga pangarap natin!


Miyerkules, Enero 2, 2008

Larawan ng Kapaskuhan

DSC_6129

Sariwa pa sa aking alala na ang nakalipas na ilang araw ay ilan lang sa pinakamasayang panahon para sa nakararaming Pilipino. Ang Pasko ay ang natatanging pagkakataon sa loob ng isang taon na nagtitipun-tipon ang mag-anak. Kagaya ko na naghahanap buhay malayo sa aking kinalakihan, sa panahong ito nararamdaman ko ang saya ng ganitong tradisyon natin.

Ako ay ganap ng mamamayan ng bansang ito at namulat na sa realidad ng buhay, ilang taon na. Empleyo ng isang korporasyon at parte ng lupon na nagbabayad ng buwis, mahirap ang buhay ika nga, para sa tulad kong ordinaryong tao.

Pero sa tuwing sumasapit ang araw na inaalala natin ang kapanganakan ni Kristo Hesus, kung minsan hirap natin masalat ang diwa nito. Yung iba nga, tahasan nila kung banggitin na hindi nila nararamdaman ispirito ng pagbibigayan.

Magkakaiba tayo ng pananaw. Pero para sa akin, hindi ko na kailangan pang lumayo upang maintindihan ang sayang dulot ng masaganang pagdiriwang ng Pasko. Sa mata ng mga bata sumasalamin ang walang bahid ng kalungkutang saya, na hindi ko pagsasawaang pagmasdan taun-taon, sa tuwing sasapit ang ika-dalawampu't limang araw ng buwan ng Diskyembre.

Martes, Enero 1, 2008

Bagong Taon, Bagong Simula

DSC_6113

Halos magsa-sampung taon na ang nakalilipas noong natutunan kong mahalin ang pagsusulat. Nasa ikalawang taon ako ng kolehiyo ng maimbitahan akong sumulat para sa pahayagan ng mga magaaral doon sa aking alma mater. Sa gayong pagkakataon, ako'y maituturing na musmos pagdating sa pagsusulat.

At sa haba ng panahon yaon, marami akong mga natutunan. Kagaya ng pagsusulat ng wasto, hindi lang ayon sa tamang balarila kundi naa-angkop sa uri ng mambabasa. Naging pintuan ko rin ito sa ibang kaalaman na sa tingin ko ay hindi ko napagtanto kung hindi sinabak ang mundo ng mga manunulat ng pahayagan.

Nakapagtapos ako sa pagaaral. Nakakuha ng lisensya sa pagiging inhinyero. Natanggap sa trabaho sa isang malaking pabrika ng mga piyesa ng kompyuter.

Tinahak ko ang landas ng karamihan at naging pasakalye na lamang ang pagsusulat sa mga nakalipas na taon. Sa ngayon, maituturing ko na bata pa rin ang aking kakayanan sa paglikha ng mga sanaysay, tula, kwento at iba pa. Kulang pa rin ako sa karanasan na magbibigay sa akin ng malawak na kaisipan sa pagsusulat.

Kakambal ng aking pagsusulat ay ang pagpukaw sa akin ng sining ng potograpiya. Kung minsan, napakahirap isalaysay ang isang pangyayari o damdamin sa pamamagitan lang ng salita. Mas maipapahayag ito sa isang retrato.

Sa pagpasok ng bagong taon, nais kong humakbang pa ng isang baitang para palawigin ang aking kaalaman sa pagsusulat at lalo na sa pagkuha ng larawan. Nakakalungkot isipin na sa nakalipas na taon ay napabayaan ko ng husto ang blog na ito.

Isang retrato sa bawat araw. Layunin kong maging magaling na photographer. At sa tingin ko sa pamamagitan nito, kaakibat ng maikling kwento sa bawat larawan ay magiging daan sa pagkamit ng ganitong adhikain, hindi lang para sa 'kin, kundi para sa inyong lahat ng mambabasa at tumatangkilik sa sining ng potograpiya.

Aasahan ko ang inyong patuloy na pagbibisita.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...